Monday, August 21, 2006

Lipat Bahay

Hindi po literal na lipat bahay talaga ang nais kong isulat dito sa blog na ito kundi lipat blog. Para kasing medyo nakakasawa na itong itsura ng blog kong ito sa blogger kaya napagpasyahan kong kumuha na rin ng sarili kong domain at ng hosting. At tamang tama naman at dalawang araw na walang pasok dito kaya nagkaroon ng oras para ayusin itong bagong blog ko sa bagong domain hindi pa nga lang masyadong tapos pero pwede nang magkalat doon kaya heto na ang link at puntahan na lang ninyo kung gusto nyo lang naman. :) at doon na rin ako magtatambay sayang naman yung hosting na yon kung hindi ko gagamitin. So see you there na lang mga blogkada.

Saturday, August 05, 2006

Hindi nakakasira sa porma ang pagdadala ng payong

Back in working condition na ulit ako ngayon, balik na ulit sa pagiging ulirang empleyado, nakapagpahinga rin kasi ako ng mahigit isang linggo at ngayon nakakapasok na ulit ako, although medyo relax lang muna dahil baka mabinat. Sa aking pagbabalik trabaho balik na rin ako sa usual na eksena sa kalye, mga eksenang nakasanayan na at hinahanap-hanap ko noong ako'y mangibang bayan, tulad ng pakikipag-agawan ng masasakyan tuwing umaga, mga pasabit-sabi ko sa jeep, mga pakikipagbalyahan ko sa pag-akyat sa bus na halos hindi na ma-isara ang pinto dahil sa sobrang dami ng umakyat na pasahero, pakikipagsiksikan sa MRT sama na don yung pakikipag-agawan ko ng libreng dyaryo, mga eksenang sigawan sa loob ng bus at MRT sa tuwing may nagagalit dahil ayaw masiksik, at isa pang eksenang gustong gusto ko ay sa tuwing mamiilit ang mga konduktor na papasukin sa kaloob-looban ng kanilang bus ang mga pasahero syempre upang imaximize nila ang space at makapagsakay pa, pero tigas naman ng pagtanggi ng ibang pasahero at sasabayan pa ng kung anu-anong sasabihin at ang kawawang konduktor wala na lang magawa, kundi ang mailing. Hindi ko mapigilan ang ngumiti sa tuwing may ganitong eksena akong nasasaksihan, mga eksenang masasabi kong sa Pilipinas ko lang makikita. Ilan lang yang mga nabanggit kong eksena na namiss ko at ngayon akin na namang nanamnamin (he he he). Sa aking pagkakasakit, ay may mga natutunan din ako at may konting nabago, nawala ng konti ang katigasan ng aking ulo, kase naman akala ko kasi malakas ang resistensya ko at hindi ako tatablan ng trangkaso nitong tag-ulan. Paano kase sumusugod ako sa ulan lalo na kung mahina lang ang patak, at hindi ko rin kase sinusunod ang madalas na sinasabi ni esmi na magdala ng payong sa tuwing hindi maganda ang panahon, kasi ang katwiran ko palagi ay hassle ang magdala ng payong, sagabal sa aking pagsabit sabit at pakikipag-agawan ng masasakyan at isa pa nakakasira ng porma (he he! yan ang napala ko) kaya mas pinipili ko pa ang tumakbo takbo kung papatak na ang ulan. Pero ngayon hindi na, isa na akong ganap na masunuring asawa at nagbi-bitbit na rin ako ng payong ngayon, umuulan man o umaaraw basta laging may secret weapon akong nakatago sa aking belt bag. Mahirap na ulit kasing magkasakit kase nga sabi ng karamihang nagkomento sa nahuling post ko "health is wealth" at kailangan laging ingatan, tama nga naman sila sa kanilang tinuran dahil sa katulad kong ang aking mag-ina lang ang tanging yaman marapat ngang laging dapat iniingatan ang kalusugan, kaya lagi ko nang isinasaksak sa kukute ko na hindi naman kabawasan sa porma ang magdala ng payong. Tulad nitong mamang nasa larawan hindi nahihiyang magdala ng payong

Sunday, July 30, 2006

Bawal magkasakit

I got sick! Tatlong araw akong nakulong sa loob ng bahay dahil sa trangkaso at dahil doon tatlong araw din akong hindi nakapasok, nakakapanghinayang din ang mga araw na hindi ko napasukan "no work no pay" pa mandin ako ngayon sa trabaho ko sa kadahilanang bago pa lang ako sa kumpanyang pinapasukan ko, pero wala naman akong magagawa pilitin ko man ang sarili kong pumasok baka lalo lang akong magkasakit. Isang patunay lang na sa panahon ngayon mahirap talagang magkasakit, bukod sa mahal ang mga gamot malaki pa ang mawawalang kita sa hindi pagpasok. Dobleng ingat at alaga sa sarili na lamang ang kailangan ngayong panahon ng tag-ulan.

Thursday, July 13, 2006

Balbas saradong bading?

Mamang balbas sarado ikaw ba'y tunay na lalake o isang bading na nagpapanggap na maton kundangan kasing bakit kay lalagkit ng iyong tingin at sa akin pang pagkaka-upo ako'y iyo pang sinisiksik maluwag naman ang upuan sa iyong tabi pero ang hita mong pagkalalaki ay pilit mong idinidikit sa akin pwede bang umusog-usog ka ng kaunti nang ako naman ay maka-upo ng maayos yan sana ang nais kong sabihin kaninang umaga sa jeep sa isang mamang mahinhin kung umupo at kumilos at di ko mawari kung tunay nga ba siyang lalake malaki pa nga ang katawan kaysa sa akin na pilit na isinisiksik sa aking tabi pero akin na lang hindi sinabi at baka kako ako pa'y masampal o matarayan o masapak sa harap ng maraming pipol kung nagkataong totoo man o hindi ang aking hinala naku! ang laki sanang kahihiyan buti na lang ako pa'y nakapagtimpi at hinayaan ko na lang sya sa kanyang trip

Wednesday, July 12, 2006

Sayang naka-smart wifi pa naman ako....

Busy as a bee pa rin ako, hanggang silip lang sa ilang blog ng kaya kong gawin ngayon. Bukod sa sobrang daming trabahong dapat tapusin andyan pa aking aking munting prinsipe at maybahay na umaamot sa aking atensyon. Hindi naman ako nagrereklamo at least ngayon hindi na ako tulad ng dating nasa Thailand pa ako na nangungulila sa aking mag-ina. Ngayon sa araw araw lagi ko na silang kasama, nakikita, nakaka-usap at nayayakap anumang oras ko gustuhin (sarap noh?) kung noong nasa abroad ako walang laman ang isip ko kundi sila, walang araw na dumaraan na sana'y lagi ko silang kasama. May mga time pa nga na minsang gusto kong umuwi na lang at hindi ko na tapusin ang kontrata ko, pero nakatiis pa rin ako at nakapaghintay sa tamang panahon, ngayon andito na ako sa piling nila (dalawang buwan na nga eh!) at masasabi ko na wala nang homesick akong nararamdaman. Kaya nga itong aking blog na naging libangan ko noong nasa abroad pa ako ay napapabayaan ko na lately dahil ang anak ko ang madalas na umuokopa ng mga libreng oras ko, pero still hindi ko pa rin ma-iiwan ng tuluyan ang mundo ng blog, para kasi itong nakaka-adik na gamot na hindi mai-alis alis sa sistema kung ika'y nalulong na. Eh sino nga bang hindi malululong sa blogging, dahil dito kasi marami akong nakilala at naging kaibigan, mga tulad ko rin noon na homesick at ang iba nama'y mga nagse-senti, mga sari-saring katauhan sa likod ng mga alyas na unti-unting nakikilala ko dahil na rin sa isinusulat nila. kaya mahirap talagang ma-iwanan ang mundo ng blog na aking nang kinagigiliwan ngayon na kahit paminsan-minsan lang akong bumibisita. sayang naka smart wifi pa naman ako..... tapos hindi ko naman masyadong ma-enjoy..... sobra busy kasi

Thursday, June 29, 2006

Ang nababagay na bantay

Last 3 weeks ago nagkaroon ng nakawan dito sa lugar namin, pinasok ang bahay ng ilang kapitbahay namin at nawalan ng mga importanteng maliliit na gamit tulad ng cellphone at wallet. Kami man ay napasok din at nasungkit ang isang bag na nakalagay sa malapit sa main door namin, swerte naman na ang laman lang ng bag na nasungkit ay puro pang pedicure at pang manicure ng aking maybahay. Nakakapagtaka lang na hindi man lamang nagigising at namamalayan na pinapasok na pala ang bahay ng may bahay, tulad din nang sa amin hindi rin namin namalayan na napasok na pala kami, maswerte lang dahil walang importanteng gamit na nakuha sa amin. Pero siguro kung mayroon lang alagang aso ang isang bahay hindi siguro mangyayari yon, dahil sigurado pagtatangkaan pa lang na akyatin ang mga bahay eh, magigising ang may-ari ng bahay dahil na rin sa ingay ng tahol ng aso. Kaya nai-iisipan at pinagbabalakan kong bumili ng aso, kaya lang medyo nahihirapan akong pumili ng kung anong klaseng aso kaya ang magandang alagaan. Gusto ko kasing aso yung tipong unang tingin palang matatakot ka na

Ito kayang German shepperd, magandang alagaan? mukha kaya syang nakakatakot na?

Ito kayang Rottweiller? ayos na kaya?

Haay!, hirap talagang mag-decide....

pero meron akong nakitang kong aso sa unang tingin ko pa lang nawewerduhan at nahihiwagaan na ako, kaya sa tingin ko itong ganitong lahi ng asong ito ang nababagay na bantay sa bahay, dahil sigurado ako ditong hindi na kailangan pang tumahol ito para matakot ang magnanakaw kaya lang hindi ko alam kung anong klaseng aso ito. Pakitingnan nyo na nga lang yung picture ng asong tinutukoy ko dito (sige pindot na! click!) at pakisabi na lang sa akin kung anong lahi nitong asong ito.

Read more entry here.

Monday, June 26, 2006

Otso pesos na yata ang pasahe?

Otso pesos na yata ang pasahe?, yan ang nasa isip ko habang sakay ako ng jeep pauwi na ng bahay kagabi galing sa pagoo-overtime, sa kadahilanang nang mag-abot ako ng otso pesos sa mamang drayber ng dyip na aking sinasakyan eh, hindi man lamang ako nasuklian Hindi lang isang beses kundi madalas na ganon ang nangyayari na kapag nag-abot ako ng halagang alanganin sa eksaktong halaga, madalas talagang hindi ako nasuksuklian. Sabihin na nating singkwenta sentimos lamang ang nawala sa akin, pero 50 cents is 50 cents sa hirap ng buhay ngayon sa pinas kailangan pahalagahan kahit na dalawang beinte singko lang, buti sana kung ang mga magagaling nating tsuper ay tumatanggap ng kulang ang pasahe. Ewan ko ba? nagiging praktis na yata ng mga magagaling nating mga tsuper ang mag maang-maangan na wala na syang susuklian, kung hindi pa sasabihang "hoy mama! may sukli pa ako sa otso" hindi pa nila ibibigay, nakakahiya pa namang ipagsigawan lalo na kung nasa dulo ka ng jeep na iyong sinasakyan diba?. kaya tuloy minsan hinahayaan ko na lang baka kako kailangang-kailangan pandag-dag din kita yon para sa kanila. *************** Syanga pala, paumanhin mga giliw na blogkada kung pasulpot-sulpot man ako kung mag-update dito sa aking haybols, super busy kasi ako ngayon eh, actually magmula ng makapasok ulit ako sa bago kong trabaho naging super busy na lagi kasing tambak ang trabaho, pakiramdam ko nga inuugatan na ako sa pwesto ko eh, tingnan nyo.